|
MAIKLING KWENTO
PAG-IBIG SA ILALIM NG ULAN
ni KMB
Sinundo ako ni Mando sa agora nang lumakas ang ulan. Naisip ko sana dinala ko yong malaking payong na napanalunan ko sa
isang pakontest sa mall dahil natantya kong isa lang ang kasya sa payong na dala ng aming bunso.
"Ba't natagalan ka, kuya. Naabutan tuloy ikaw ng ulan," wika ni bunso.
"Nasiraan ang bus malapit sa palayan ng mga Hernandez. Walang magawa ang drayber dahil walang mahingan ng tulong.
Buti na lang may dumaang dump truck, yong minamaneho dati ni Manong Gregorio bago siya nagtraktor."
"Naalala ko."
"Kamusta pala yong anak ni Manong Gregoryo, si Dominic."
"Matagal nang pumunta ng maynila yon. Kakagraduate lang nung nakaraang dalawang buwan. Nagtatrabaho na raw yon ngayon
sa isang call center."
"Ah, ganun ba?"
Biglang sumagi sa aking isip ang mukha ni Dominic. Ang kanyang maamong mukhang hinulma ng pagkainosente ang lubos kong
hinahangaan. Ang dating Dominic na uhugin at payatot ay para na ngayong isang prinsipe.
Lumakas pa nang lumakas ang ulan. Naalala ko ang mga sandaling magkasabay kaming umuwi ni Dominic galing sa Mataas na
Paaralan ng San Vicente. Umiskapo kami sa cleaning period ni Miss Clean the Comfort CR. Dumiritso kami sa abandonadong kubo
ni mang Gregorio sa gitna ng palayan. Ngunit hindi na kami makapaghintay sa isa't isa, huminto kami sa kalagitnaan ng palayan
at naghalikan. Ramdam na ramdam ko ang init ng kanyang mga labi habang buhos nang buhos ang malakas na ulan. Pagkatapos ay
tumungo na kami ng tuluyan sa loob ng kubo.
##########################
Nasa MRT station pa lang ako nang magsimulang umambon. Tinahak ko ang daang papuntang building ng Unionbank Plaza.
May bagyo kaya lumakas pa nang lumakas ang ihip ng malamig na hangin. Balak ko sanang magtaxi ngunit ubos na ang kakarampot
na perang titipirin ko pa sana para sa pananghalian ko mamaya. Nagtaas na naman ng pamasahe ang mga jeepney kaya sinimot lahat
ng mga barya ko sa bulsa.
Basang basa ako nang dumating sa building. Ngunit hindi ako pinapasok ng guard dahil wala akong ID. Kaya naghintay na
lang ako sa labas, total mag-aalas sais naman, ang oras ng uwian ng mga taga call center. Nalaman ko ang tinatrabahuan ni
Dominic dahil kay Clarisa, ang kaklase ko sa U.P. na officemate na ngayon ni Dominic. Ngunit hindi ko sinabi kay Clarisa ang
tungkol sa amin ni Dominic nang magtanong ito kung bakit ko tinatanong ang tungkol sa kanya.
Umupo ako sa may plant box sa labas ng building. Tiniis ko ang lamig at basa ng ulan. Wala ito, sabi ko. Mas importante
ang pakay ko ngayon. Higit pa sa aking buhay.
Napatayo ako bigla nang simulang magsilabasan na ang mga taga call center. Agad kong namukhaan ang matangkad at maputing
lalaking paparating sa pintuan. Agad ko siyang nilapitan ngunit hindi niya ako pinansin, na parang hindi niya ako nakita.
Hnabol ko siya at sinigawan.
"Dom, bakit ka ganyan? Nakalimutan mo na ba ako, at ang ating nakaraan? Umuwi ako ng San Vicente para hanapin ka,
at sinabi nilang andito ka raw. Kaya kita pinuntahan rito!"
Napitigil siya sa paglakad at tumingin sa akin.
"Dom, mahal pa rin kita at sana ikaw rin sa akin. Wag mong sayangin ang masaya nating nakaraan!" pagpapatuloy
ko.
"Hey, what are you saying?," ang sabi niya sa akin. "Hindi kita kilala! Nababaliw ka na ba?" At umalis
siya bigla papalayo sa lugar.
Natulala ako. Napaupo ako sa gutter at napatingala sa langit. Tumawa ako nang malakas. Wala pala akong bunsong sumundo
sa akin sa San Vicente. Hindi pala ako lumaki sa San Vicente at kalianma'y hindi ako nakapunta doon. Wala palang kubo sa gitna
ng palayan ni Mang Gregoryo. Wala palang Dominic sa buhay ko.
Tumayo ako at nilusong ang ulan -- ang ulang kailanma'y hindi pumatak dahil ngayong araw pala na ito'y nasa kalagitnaan
ng summer.
THE END
|